Sa Clark Air Base, wala pang tulog sina Marcos at Ver na parehong nagbabad sa telepono, nagtatawag ng kakampi. 


Tinawagan ni Marcos si Jose Roño, Minister of Local Governments, at sinabing nagbabalak siyang bumuo ng Ilocano army na babawi sa kalakhang Maynila. Nangilabot si Roño: "Maawa ka na sa ating bayan! Dadanak ang dugo!" Tinawagan din ni Marcos si Trade & Industry Minister Roberto Ongpin. "Bobby, gusto kong manindigan sa Paoay!" Kinilabutan din si Ongpin: "Milyon-milyong Pilipino ang mamamatay kung magkakaroon ng civil war!"

Hindi malinaw kung sino, pero isa sa mga tinawagan ni Marcos ay nagsumbong kina Enrile at Ramos. Tinawagan ni Enrile sina Aquino at Bosworth at tinanong niya kung ano ba talaga ang plano nilang gawin kay Marcos. Idiniin nila ni Ramos na hindi dapat makarating sa Paoay si Marcos dahil tiyak na makakabuo ang dating Presidente ng hukbong loyalista.

"Hangad lang namin ni Minister Enrile ang ikabubuti ng nakararaming Pilipino," ani Ramos. "Gusto lang namin na maiayos agad ang sitwasyon sa matahimik na paraan. Alam ko, hanggang ngayon ay may nagtatampo sa aking mga Ilocano 'pagkat hindi ko binigyan si G. Marcos ng pagkakataong dumaan sa Ilocos Norte at magpaalam man lang. Ngunit kung náibá ang nangyari, nabigyan tiyak ng rallying point ang puwersang loyalista at pinag-agawan tiyak ang Maynila. Hindi kami makapayag na mangyari iyon habang pinapatatag pa namin ang puwersa ng gobyernong Aquino."

Kakampi ng RAM ang Philippine commander ng Clark Air Base na si Colonel Romeo David. Aniya sa pinuno ng US Intelligence, "Hindi ko magagarantiya ang kaligtasan ni Marcos. 'Pag nakita ng mga tao ang Presidente, baka barilin siya." Natakot din si Allen sa balitang may balak ang mga Coryista na mag-People Power sa paligid ng base. "Nakikinita ko na ang isang milyong tao na rumaragasa sa gate kinabukasan." Malinaw kay Allen na kailangang maialis sa bansa ang dating Presidente sa lalong madaling panahon. Tumawag siya sa Washington at humingi ng permisong ilipad ang mga Marcos sa Guam.

Alas-dos y medya (2:30) ng umaga, ginising ni Allen sina Tommy Manotoc at Ferdinand Jr. at sinabi sa kanila na kailangang makaalis agad sila papuntang Guam upang maiiwas si Marcos sa panganib.

Mapait ang naging palitan ni Marcos at mga Kanong opisyal. Nagpilit si Marcos na sa Ilocos siya pupunta. Iginiit ng mga Kano na sumusunod lang sila sa utos ni Presidente Reagan at ng Joint Chiefs-of-Staff na dalhin ang pangkat sa Amerika. Alas-kuwatro (4:00) na ng umaga nang tumahimik sa wakas si Ferdinand. Saka lang sinimulan ang pagsakay ng mga bagahe at ng mga inaantok at masusungit na pasahero sa mga jet transport patungong Guam, at pagkatapos Hawaii.

Binilang ni Colonel Aruiza ang grupong nagtipon sa VIP lounge. Nandoon sina Eduardo "Danding" Cojuangco at ang asawa niyang si Soledad "Gretchen," kasama ang kanilang pamilya at isang kaibigang negosyante, si Narciso Pineda; nagkotse sila galing sa Sison, Pangasinan at nakipagtagpo kay Marcos sa Clark. Nagulat si Aruiza sa dami ng mga Ver. Nailabas ni Ver ang buong pamilya niya. Kasabay ni Marcos sa helicopter ang mga lalaking Ver; nagkotse siguro sina Gng. Aida Ver, ang mga anak nilang babae, mga manugang at apo, at anim na katulong. Dalawampu't anim (26) ang bilang nila, halos ikaapat na bahagi ng siyamnapu't dalawa (92) na nakarating sa Honolulu.

Nang naghahanda nang sumakay sa US Air Force C-9 medical evacuation plane ang pangkat, hiningi ni Allen kay Marcos at sa kanyang mga tauhan ang kanilang mga armas. "Sabi ko, mga baril nila ang bayad sa biyahe."

Hindi mabasa ang mukha ni Marcos, pero si Ferdinand Jr. ay namula sa galit. "Bilang sundalo, pakiramdam ko ay pinaghuhubad ako," ani Aruiza; "pinapasakay ako sa eroplano nang walang sandata kundi lakas ng loob." Walang kumibo. Naghihintayan. Pinagmamasdan ni Aruiza ang Presidente. Paano kung magpilit ang mga Kano? Binasag ng boses ni Marcos ang katahimikan. "Sige na," sabi niya, "huwag na tayong mag-iskandalo."

Isinuko ni Marcos ang sarili niyang 357 Magnum kay Allen. Dalawang sundalong Kano ang kasabay ni Marcos na lumakad patungo sa eroplano. Alas-singko kuwarenta'y singko (5:45) ng umaga noon, ika-26 ng Pebrero, 1986.

Masasabing totoo ang pahayag nina Imelda at Ferdinand Jr. (pagkatapos ng EDSA) na hindi kusang umalis ng Pilipinas ang mga Marcos noon kundi "kinidnap" sila ng mga Kano at sapilitang inilipad sa Amerika. Pero totoo rin na ang mga Marcos mismo ang nagdesisyong ipagkatiwala ang mga buhay nila sa mga Kano at hindi kay Enrile't Ramos, o sa mga piloto ng presidential helicopters, na umaga pa lang ng Lunes ay handa na silang ilipad kahit saan sa kapuluan. O kayâ, nag-kotse, van, o ambulansiya na lang sana sila papuntang Ilocos, tulad ng maraming sundalo na nakatakas sa Palasyo at nakarating sa Clark noong gabi ding iyon. Maaaring natakot silang umasa sa mga tropang Ver na baka repormista pala. O maaaring maselan masyado ang lagay ni Marcos; kung gayon, at kung totoo ang mga kuwento-kuwento, nakakagulat na nakaya niyang umexit nang nakatayó sa sariling paa (more or less) ­ ibang klase rin siya. Ano't ano man, kung inisnab nila ang alok na tulong ng Kano at sa halip ay umasa sa sariling sikap, malamáng ay nakarating sila sa Paoay, at naiba tiyak ang wakas ng salaysay na ito. Pahapyaw din ang mga kuwento galing sa kampo ni Marcos kayâ pakiramdaman na lang. Kutob ko, hanggang Paoay lang sana si Marcos, magpapaiwan sana siya sa pamilya na gusto nang lumipad sa Amerika, alang-alang sa mga batà. Oo nga naman, pero sana nag-Philippine Air Lines sila. Sa madaling salita, pagdating sa dulo, nagkamali ng diskarte ang mga Marcos. Mabuti na lang.

The moral of the story: huwag magtiwala sa Kano.
 

CONTENTS 
Panimula
Introduction
Sabado
NEXT: Linggo
Lunes
Martes
Huling Hirit
Ang Pagtatakip sa Edsa
Pinaghanguan